1.2 milyon dumagsa sa Manila North Cemetery
MANILA, Philippines - Umabot sa 1.2 milyon ang dumalaw sa Manila North Cemetery, ang pinakamalaking sementeryo sa Metro Manila kaugnay ng paggunita sa Undas.
Ayon kay Manila Police District-Station 3 chief, Sr. Supt. James Afalla, pinaghandaan naman ng kapulisan ang sitwasyon kung kaya’t naging maayos ang daloy ng mga tao na pumapasok at lumalabas ng sementeryo.
Sinabi ni Afalla, na pinairal ng kapulisan ang paghihigpit sa seguridad kung kaya’t walang nakakapasok na kontrabando maliban na lamang sa mga pumupuslit sa mga iligal na pasukan.
Samantala, may 64 “pasaway”, ang inaresto rin ng pulisya, dahil sa pagdadala ng mga alak, replika ng baril sa buong magdamag.
Nahuli rin ang mga menor-de-edad na nakunan ng 10 gramo ng marijuana habang nagsasagawa ng pot session sa ibabaw ng nitso.
Hindi rin nakaligtas ang apat na binatilyong nagsasayaw sa ibabaw ng nitso na pawang mga nakasuot lamang ng underwear.
Hawak ngayon ng MPD ang mga nadakip at nahaharap ang mga ito sa kasong alarm scandal at discretion of the dead.
Sa kabila nito, sinabi ni Afalla na mapayapa naman ang paggunita sa Undas dahil wala namang naitatalang nasawi o nagkaroon ng riot sa loob ng sementeryo.
Sinabi ni Afalla na magpapatuloy ang kanilang monitoring at inspeksyon hanggang ngayon dahil inaasahan pa rin ang pagdagsa ng mga dadalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
- Latest
- Trending