4 kalsada sa Maynila lalagyan ng motorcycle lane
MANILA, Philippines - Matapos na maipatupad ang motorcycle lanes sa Commonwealth at Macapagal Blvd., pabor din ang dalawang opisyal ng Manila City Hall na magkaroon ng motorcycle lane sa ilang pangunahing kalsada sa lungsod.
Ayon kina City Administrator Jesus Mari Marzan at Chief of Staff at Media Information Bureau chief Ricardo de Guzman, dapat lamang na magkaroon din ng motorcycle lanes ang ilang pangunahing kalsada sa lungsod upang mabigyan ng proteksyon laban sa mga malalaking sasakyan ang mga nagmomotorsiklo.
Anila, ilan sa mga lugar na posibleng lagyan ng motorcycle lanes ay ang España, Roxas Blvd., R-10 at Quirino.
Ipinaliwanag pa ni Marzan, bagama’t magiging limitado ang daan ng mga motorsiklo, iwas disgrasya naman ang mga ito.
Giit naman ni De Guzman, kadalasang nakikipagkarerahan ang mga motorsiklo sa mga ibang uri ng sasakyan na nauuwi sa aksidente.
Gayunman, sinabi nina Marzan at de Guzman na kailangan pa rin nilang makipagpulong sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa nasabing proyekto.
- Latest
- Trending