MANILA, Philippines - Isang 35-anyos na tricycle driver ang anim na beses na pinaputukan ng sumpak sa harap ng kanyang misis, sa Port Area, Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Sr.Insp. Joey de Ocampo ang biktimang si Joselito Handog Tapin alyas “Dodong, ng Row 16, Unit 5 Block 4, ng Habitat for Humanity, Baseco Compound, Port Area.
Inilarawan lamang ang salarin na may taas na 5’4’’, nasa edad na 30-35, balingkinitan, nakasuot ng sports jacket na pula at bull cap. Agad itong tumakas bitbit ang sumpak na ginamit.
Sa ulat ni PO2 Jupiter Tajonera, naganap ang insidente dakong alas-5:50 ng umaga, sa loob ng tahanan ng biktima
Natutulog umano ang biktima sa tabi ng misis na si Lyna nang may sunud-sunod na katok ang gumising sa kanila. Nang pagbuksan, agad binaril sa leeg ang biktima ng anim na ulit.
Isinugod pa sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktima subalit dakong alas-6:17 nang ideklarang dead-on-arrival.
Hindi pa makunan ng pahayag ang misis ng biktima na kasalukuyang traumatized pa sa pangyayari.