MANILA, Philippines - Napaslang ang isang 39-anyos na mister habang kritikal naman ang ka-live-in nito matapos pagsasaksakin ng hindi kilalang lalaki sa loob ng kanilang tahanan sa bayan ng San Mateo, Rizal kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ng pulisya ang napatay na si Victor Gregorio habang nakikipaglaban naman kay kamatayan sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center si Marilou Relador, 40.
Sa ulat ng pulisya, lumilitaw na magkasamang natutulog ang magka-live-in sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Patiis sa Barangay Malanday nang pasukin ng ‘di-kilalang lalaki bandang alas-3:30 ng madaling-araw.
Sinisilip naman ng pulisya ang anggulong love triangle ang isa sa motibo ng killer.