Kampanya vs "guerilla type" vendor ng pirated DVD paiigtingin
MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila Mayor Alfredo Lim na lilinisin niya ang lungsod mula sa mga piniratang DVD kasunod ng pagkakaroon ng “guerilla type” vendor sa Quiapo, Maynila.
Ang paniniyak ay ginawa ni Lim bunsod na rin ng mga reklamo na kanyang tinanggap kung saan sinasabing hindi nawawala ang bentahan ng pirated DVD at sa halip ay nagsasagawa ng “guerilla type” na bentahan.
Nabatid na magkasanib puwersang sinalakay nina Supt. James Afalla, station commander ng Manila Police District-Police Station 3 at grupo ni Chief Insp. Marcelo Reyes, ng Manila City Hall Public Assistance (CHAPA), ang Quiapo area dakong alas-3 kamakalawa ng hapon.
Bagama’t walang nahuling “sniper” na nagtitinda ng DVD, may dalawang truck naman ng mga piniratang DVD ang nakumpiska sa Yes Hotel na pinagtataguan ng mga vendor sa kanilang ibinebentang DVD.
Nabatid na ang operasyon ay tumagal ng may tatlong oras, dahil nahirapan ang mga awtoridad na hakutin ang mga DVD matapos na i-bolt cutter ang kandado ng kuwartong pinagtataguan.
Base sa impormasyon ng alkalde patuloy ang pagbebenta ng DVD sa Quiapo, hindi nga lamang lantaran kundi sa pamamagitan ng paglalako ng mga ito sa kanilang mga suki.
Nakatakdang wasakin ang mga nakumpsikang DVD sa pamamagitan ng shredding machine sa susunod na linggo.
- Latest
- Trending