MANILA, Philippines - Isang hinihinalang miyembro ng notoryus na Sigue-Sigue Sputnik gang ang patay matapos barilin ng hindi natukoy na salarin sa lungsod Quezon kahapon ng madaling araw.
Inilarawan ni PO3 Roland Belgica, ang biktima na nasa pagitan ng edad na 25-30, may taas na 5’5”, moreno, nakasuot ng sports short at itim na t-shirt.
Tadtad din ito ng tattoo sa katawan kabilang ang grupong sputnik, scorpion “Rico Santos” sa kaliwang kamay, tribal at pitbull sa kaliwang balikat, Guns and Roses sa kanang balikat, mukha ng agila sa ibaba ng likod, at mga pangalang Indo Santiago, Bobie Hernandez, Bong M sa dibdib.
Nagtamo ito ng dalawang tama ng bala sa katawan mula sa kalibre 45 baril.
Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Mindanao Avenue sa Barangay Bahay Toro, Tandang Sora, ganap na alas 3 ng madaling araw.
Ayon kay Joey Abagu, caretaker ng Auto Click Car Exchange sa naturang lugar, nagising siya nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril mula sa labas.
Dito niya nakita ang biktima na tumatakbo sa kahabaan ng Mindanao Avenue habang humihingi ng tulong sa ilang istambay.
Matapos nito ay nabuwal din ang biktima at agad na nawalan ng buhay. Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.