2 traffic enforcers huli sa kotong
MANILA, Philippines - Nakatakdang imbestigahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang umano’y dalawa nilang traffic enforcers na nahuli sa isang entrapment operation sa Marikina City dahil sa bintang na nangongotong ang mga ito sa dalawang operator ng jeep.
Inaalam pa ngayon ng MMDA kung tunay nilang mga tauhan ang mga nasakote na sina Vincent Ravago, 32, ng no. 139 JP Rizal street, Brgy. San Roque, Marikina at Jovy Pagulayan, 38, ng no. 32 San Juan Evangelista st, Payatas, Quezon City.
Nabatid na nadakip ang dalawa ng mga tauhan ng Marikina City Police dakong alas-3 kamakalawa ng hapon sa naturang lungsod.
Sa reklamo nina Erlina San Juan at Bonifacio Penarejo Jr., kapwa operators ng pampasaherong jeep, pinaghuhuli ng dalawang enforcers ang kanilang mga behikulo sa hindi maipaliwanag na traffic violation.
Hiningian umano sila ng tig-P3,000 para hindi na matikitan na kanila namang sinunod upang hindi na maabala pa. Bigla pa umanong humingi ng dagdag na tig-P1,500 ang dalawa bilang proteksyon umano para hindi na sila mahuli.
Agad namang nakipag-ugnayan sa pulisya ang dalawang operators na naging dahilan sa pagkakaaresto ng dalawang suspek matapos na tanggapin ang marked money sa dalawang biktima.
Itinanggi naman ng dalawang suspect ang akusasyon laban sa kanila. Matatandaan na sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na hindi niya kukunsintihin ang sinuman sa kanyang mga tauhan na masasangkot sa mga iligal na aktibidad tulad ng pangongotong.
- Latest
- Trending