Kelot nasawi sa pangunguha ng tahong
MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang nalunod ang isang hindi pa nakikilalang lalaki na nangunguha ng tahong sa Manila Bay na sakop ng Malate, sa Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan ni SPO2 Bernardo Cayabyab, ng Manila Police District-Homicide Section ang biktima sa edad na 40-50 at may taas na 5”6’’.
May narekober sa bulsa ng biktima na ilang piraso ng tahong at may hawak pa itong plastik na punit na pinaniniwalaang pinagsidlan ng mga tahong at isang putol ng bakal na may taling nylon cord na gamit sa panunungkit ng tahong.
Sinabi ng mangingisdang si Mark John Mamintos, 20, namamangka siya dakong alas-12 ng madaling-araw nang maramdaman niya ang pagbangga sa isang matigas na bagay sa tabi ng isang nakadaong na pampasaherong yate.
Nagulat siya nang makitang nakalutang ang bangkay kaya ipinagbigay-alam sa MPD-station 9.
Teorya ng imbestigador, pinulikat ang biktima habang nangunguha ng tahong na siyang ikinalunod nito. Bagamat walang nakakaalam sa pangalan ng biktima, madalas umano itong nakikitang nangunguha ng tahong sa lugar.
Dinala ang bangkay ng biktima sa St. Yvan Funeral Parlor para sa safekeeping.
- Latest
- Trending