MANILA, Philippines - Handa na ang Quezon City sa pagpapatupad ng public safety at order plans sa mga pribado at pampublikong sementeryo sa lungsod gayundin sa mga bus terminals kaugnay ng paggunita sa Undas ngayong Nobyembre 1.
Kaugnay nito, inatasan ni QC Mayor Herbert M. Bautista ang lahat ng kaalam na departamento at opisina sa lunsod sa pangunguna ng Quezon City Police District (QCPD), Department of Public Order and Safety (DPOS), at Civil Registry upang ihanda ang mga kailangang plan of action kasama na ang security measures, traffic re-routing sa mga lansangan na malapit sa mga sementeryo laluna ang Bagbag, Baesa at Novaliches cemetery.
Mayroon ding 30 tauhan ang Civil Registry na ilalagay sa naturang mga sementeryo mula ngayong Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2 upang ayudahan ang mga tao na tutungo sa mga sementeryo para dalawin ang puntod ng yumao nilang mga mahal sa buhay.
Ayon kay DPOS chief Elmo San Diego na may kabuuang 400 siyang mga tauhan mula sa kanyang departamento ang itinalaga para matiyak na walang pagsisikip ng daloy ng trapiko patungo ng mga pampulikong sementeryo gayundin sa mga pribadong sementeryo sa Eternal Garden Memorial Park sa Balumbato, Himlayang Pilipino sa Tandang Sora at Holy Cross sa Quirino Highway.
Samantala, nanawagan naman si QCPD Director George Regis sa mga taga QC na ingatang mabuti ang mga tahanan sa pamamagitan ng pag-lock na mabuti sa mga entry points ng bahay kung pupunta sa sementeryo upang hindi mabiktima ng mga criminal elements na magsasamantala sa okasyon.