Re-routing sa Maynila, inilabas na ng MPDTEU
MANILA, Philippines - Bilang bahagi ng paghahanda, inilabas na ng Manila Police District Traffic Enforcement Unit (MPDTEU) ang re-routing para sa darating na paggunita ng All Saints’ at All Souls’ Day.
Sa report na tinanggap ni chief of staff at media information bureau chief Ricardo de Guzman mula kay MPDTEU chief, Supt. Reynaldo Nava, nabatid na mula alas-6 ng umaga ng Oktubre 31 hanggang Nob. 1, ay mananatiling nakasara sa motorista ang kalsada ng Aurora Blvd. mula Dimasalang hanggang Rizal Ave.; Blumentritt mula A. Bonifacio hanggang P. Guevarra; Dimasalang mula Cavite hanggang Makiling sa Blumentritt; Retiro mula Dimasalang hanggang Blumentritt extension; P.Guevarra, Cavite at Pampanga Sts.; Leonor Rivera, mula Cavite hanggang Aurora Blvd.
Itatalaga naman para maging parking areas sa mga magtutungo sa Manila North Cemetery ang kalsada ng Craig, Simon, F.Huertas, Sulu, Oroquieta at Metrica.
Ang lahat ng Public Utility Jeepneys (PUJs) na manggagaling sa Rizal Avenue-Blumentritt ay maaring dumaan sa Cavite pakanan sa L. Rivera o Isagani Sts., kanan sa Antipolo hanggang makarating sa destinasyon. Kung manggagaling sa Amoranto St. sa Quezon City ay maaring kumanan sa Calavite, kanan sa Bonifacio, hanggang sa makarating sa destinasyon.
Maaari namang dumaan sa A.H. Lacson, Tayuman, Blumentritt mula Cavite patungong Aurora Blvd., patungo sa Rizal Avenue o Jose Abad Santos ang lahat ng mga sasakyang manggagaling sa España, habang ang mga sasakyan namang manggagaling sa Quiapo, Sta. Cruz, Tondo, Caloocan ay maaring dumaan sa Abad Santos o Rizal Avenue Ext.
Binigyan-babala rin ni De Guzman ang mga motorista na huwag magparada ng kanilang sasakyan sa magkabilang panig ng Retiro, mula Blumentritt hanggang Laon Laan, Dimasalang mula sa gate ng North cemetery hanggang Makiling, Dos Castillas, Don Quijote at Maria Clara dahil idineklara itong tow-away zones gayundin ang Pampanga St., Rizal Avenue, Abad Santos, at Aurora St.
Magtatalaga rin ng mga miyembro ng MPDTEU para mangasiwa sa re-routing na gagawin sa mga sasakyan hanggang sa mga itinakdang parking areas. Kaugnay nito sinabi naman ni Nacy Villanueva, hepe ng Manila Traffic and Parking Bureau na naka-deploy na ang 200 sa kanyang mga tauhan upang tumulong sa daloy ng trapiko sa Oktubre 31 at Nov. 1.
Ayon kay Villanueva, 150 MTPB ang tutulong sa MPDTEU sa Manila North Cemetery habang 50 naman sa Manila South Cemetery. Aniya, mas malaki ang Manila North Cemetery kumpara sa Manila South Cemetery kung kaya’t mas marami ang personnel na itinalaga dito. Tiniyak din ni Villanueva na may sapat na pagkain ang mga tauhan ng MTPB na nakaduty sa mga nasabing araw.
- Latest
- Trending