MANILA, Philippines - Umabot sa 50 kabahayan ang natupok sa sunog na nagsimula umano sa nakasinding gasera sa lungsod Quezon kamakalawa.
Ang tinupok na mga kabahayan ay matatagpuan sa Boni Serrano St., Libis na karamihan sa mga naninirahan umano ay mga informal settlers.
Nagsimula ang sunog sa pinakagitnang bahagi ng nasabing compound, partikular sa bahay umano ng isang Dominador Oderos, pasado alas-11 ng gabi.
Dahil pawang gawa lamang sa light materials ang mga kabahayan ay mabilis na kumalat ito hanggang sa tuluyang madamay ang kadikit na mga kabahayan.
Nahirapan ding maapula agad ng mga pamatay-sunog ang apoy dahil sa makitid na lugar.
Umabot ang sunog sa task force alpha, bago tuluyan itong maapula ganap na alas-2:10 ng madaling-araw.
Wala namang iniulat na nasaktan o nasawi sa nasabing sunog habang tinatayang aabot sa P5 milyon ang halaga ng napinsala dito.
Patuloy ang pagsisiyasat ng BFP sa naturang insidente.