MANILA, Philippines - Nahaluan ng tensyon ang pagdagsa ng mga pasaherong gustong umuwi ng kanilang probinsya sa dalawang bus companies sa lungsod Quezon, makaraang bulabugin sila ng umano’y bomba na iniwang nakalagay sa isang kahon dito kahapon.
Dahil dito, ang mainit na salubungan ng mga pasahero sa Baliwag Transit at Star 5 bus company sa Cubao ay pansamantalang napawi makaraang magsipag-alisan muna ang mga ito para mailigtas ang kanilang sarili sa posibleng pagsabog.
Ayon kay PO1 Rick Taguilan, isa sa mga duty police assistance desk, isa umanong lalaki na nakasibilyan ang nag-iwan ng kahon sa tapat ng Maya theater arcade na nasa pagitan ng dalawang terminal ng nabanggit na kompanya ng bus, ganap na alas-11 ng umaga. Selyado, anya ng packaging at maayos din ang pagkakatali. Sa takot na sumabog ang kahon agad silang tumawag ng mga tauhan ng bomb squad ng QCPD.
Agad namang rumisponde ang bomb squad at agad na pinalibutan ang naturang kahon, saka hinawi ang mga tao, bago tuluyang nilapitan ang kahon at binuksan.
Pero laking gulat ng bomb squad nang bumulaga sa kanila, hindi bomba, kundi mabahong amoy buhat sa naagnas na patay na daga na siyang laman ng kahon.