MANILA, Philippines - Ginahasa at pinatay ang isang grade 3 pupil ng hindi pa nakikilalang salarin at saka itinapon ang bangkay sa likod ng isang simbahan sa Muntinlupa City kamakalawa ng umaga.
Nakapulupot pa sa leeg ng biktima na kinilala na si Sophia De Guzman, Grade 3 pupil at residente ng Victoria Homes, Brgy. Tunasan, ang kulay berdeng kawad na ginamit na pambigti sa kanya nang madiskubre nina Jeric Terio, 18; at Emmanuel Regala, 16, sa likuran ng L’Annuziata Parish Church sa may Long Beach Drive RV1 Creekside, Victoria Homes, pasado alas-8 ng umaga.
Nakababa pa hanggang tuhod ang suot na short pants at panty ng paslit at bali pa ang kaliwang kamay na palatandaan ng panlalaban nang matagpuang nakatihaya sa masukal na bahagi sa naturang lugar.
Sa imbestigasyon, huling nakitang buhay ang biktima noong nakaraang Miyerkules pa ng umaga kung saan nag-aalok ito ng mga segundamanong damit na pandagdag sa kabuhayan ng kanilang mahirap na pamilya. Kilala umano na masipag ang batang si Sophia na tumutulong sa paghahanapbuhay para na rin may magastos sa kanyang pag-aaral.
Labis naman ang pagdadalamhati ng ina ng biktima at sinisi rin ang sarili dahil sa pagpayag na makalabas ng bahay ng kanyang anak.
Isinasailalim rin sa pagtatanong ngayon ang dalawang binatilyong nakakita sa bangkay ng biktima.