2 holdaper bulagta sa engkuwentro

MANILA, Philippines - Bulagta ang dalawang holdaper makaraang makipagpalitan ng putok sa mga pulis sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Dead-on-the-spot ang da­lawa na inilarawan sa edad na 35-40; balingkinitan ang pangangatawan; kapwa maikli ang buhok at kapwa armado ng kalibre .38 baril.

Isa ang nakasuot ng itim na t-shirt, brown na short pants, walang sapin sa paa na nagtamo ng 6 na tama ng bala sa dibdib at bandang ibaba ng katawan habang ang isa na nakasuot ng kulay grey na t-shirt, brown na short pants at wala ring sapin sa paa.

Narekober mula sa kanila ang mga hawak na kalibre .38 baril at bag ng babaeng hinoldap.

Sa pahayag ng pulisya, dakong alas-3:45 nang maganap ang insidente sa panulukan ng C.M. Recto at J. Abad Santos St. Tondo.

Positibong kinilala ng hold-up victim na si Michelle Dayao, 31, ang dalawang suspect na tumutok sa kanya ng baril at sapilitang inagaw ang dala niyang bag na naglalaman ng cash, ilang personal na gamit kabilang ang cellphone.

Matapos ito ay agad na humingi ng tulong ang biktima sa nakaposteng mga pulis hindi kalayuan sa lugar na humabol sa mga suspect at doon na nga nagsimula ang pagpapalitan ng putok na ikinasawi ng dalawang holdaper.

Show comments