Manhunt vs killer ng mag-ina
MANILA, Philippines - Nagsasagawa na ng malawakang manhunt operation ang Quezon City Police District (QCPD) sa isang 39-anyos na lalaki na pumaslang sa isang mag-ina sa lungsod kamakalawa.
Ito ay makaraang matukoy ni QCPD Director Chief Superintendent George Regis ang pagkakakilanlan ng suspect na si Lito Arsenia, 39, tubong Sudmon, Southern Leyte na mabilis na tumakas matapos brutal na pagpatay sa ka-live-in na si Edna Macaraeg at anak ng huli na si Jadie Magsanay, 7.
Nagpakalat na rin si Regis ng mga larawan ni Arsenia para sa mabilis na pagdakip dito.
Ayon kay Regis, isang saksi ang umano’y nakakita kay Arsenia na nagmamadaling lumabas ng kanilang bahay sa may Green Thumb Garden, C.P. Garcia St., Brgy. UP Campus sa lungsod ganap na alas-11 ng umaga noong nakalipas na Sabado.
May dala umano itong malaking bag at nagsabing magpapalabada lamang dahil umalis ang kanyang live-in partner.
Subalit, ganap na alas-2:30 ng hapon kamakalawa ay nadiskubre ni Danilo Macaraeg ang bangkay ng mag-ina na naliligo sa sarili nilang dugo. Unang natagpuan sa kama si Jadie na tadtad ng saksak sa dibdib at ulo habang si Edna naman ay natagpuan sa loob ng cabinet.
Unang iniulat na kapwa itinago sa aparador ang mag-ina.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente.
- Latest
- Trending