MANILA, Philippines - Aabot sa P 2.2 milyon halaga ng alahas at pera ang natangay ng mga hinihinalang miyembro ng ‘acetylene gang’ makaraang looban ang isang pawnshop sa Quezon City kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat, dakong alas-8 ng umaga nang madiskubre ang panloloob sa Emmanuel Pawnshop sa Villongco St.,Bgy. Commonwealth,QC kahapon. Ayon sa pulisya, natangay ng mga suspect ang may P2.2 milyon halaga ng alahas at pera sa naturang pawnshop. Nabatid pa sa ulat na dumaan ang mga suspek sa pamamagitan ng paghukay ng lagusan mula sa kanal malapit sa pawnshop at saka ginamitan ng acetylene ang pagbukas sa vault ng naturang establisyemento.
Nadiskubre lamang ang pagnanakaw sa naturang pawnshop matapos magbukas ang establisimento at pumasok ang teller/cashier dito na si Rosalia Luzana kaninang umaga na siyang nakadiskubre sa naturang insidente. Hinihinala ng pulisya na isinagawa ang panloloob sa naturang pawnshop nitong nakalipas na Oktubre 22, Sabado o Oktubre 23, Linggo. Nagsasagawa na ng follow up operation ang mga operatiba ng QC police para madakip ang mga responsable sa naturang nakawan.