Ginang utas sa riding-in-tandem

MANILA, Philippines - Sa harap pa ng isang simbahan pinagbabaril at pinaslang ng riding in tandem ang isang 46-anyos na ginang matapos nitong ihatid sa paaralan ang anak, kahapon ng umaga sa Pasay City. Agad na nasawi dahil sa isang tama ng bala ng kalibre .45 sa ulo ang biktimang nakilalang si Wilma Maso. Blangko naman ang pulisya sa pagkakakilanlan sa dalawang salarin na mabilis na tumakas lulan ng motorsiklo. Sa inisyal na ulat ng Pasay City Police, naganap ang pamamaslang dakong alas-6 ng umaga. Kahahatid lamang ni Maso sa kanyang Grade 3 pupil na anak sa Kalayaan Elementary School at naglalakad na pauwi nang harangin ng dalawang salarin sa tapat ng Our Lady of Blessed Sacrament Church sa Gate 1, Kalayaan, Merville, ng nasabing lungsod. Walang sabi-sabing nagbunot ng baril at pinaputukan ng malapitan sa ulo ng isa sa mga salarin ang biktima saka kaswal na tumakas lulan ng motorsiklo. Isang basyo ng bala ng kalibre .45 ang narekober ng mga imbestigador. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito.

Show comments