Tipid-kuryente sa Maynila
MANILA, Philippines - Gagamit na ang pamahalaang lokal ng Maynila ng streetlights na makatitipid ng 86-porsyento kumpara sa kasalukuyang ginagamit base sa naging pag-aaral sa average American home.
Ito ay matapos magpasya si Manila Mayor Alfredo S.Lim na gamitin ang kaniyang natuklasang bagong teknolohiya sa Seoul, Korea na ginagamit ng mga malalaking industriya partikular ang Seoul Semi Conductor (SSC) ‘LED technology’ na mas malaki na ang natitipid, mas malawak ang sakop ng liwanag nito.
Kasamang nagtungo sa Korea ng alkalde sina Barangay Bureau Chief Atty. Analyn Buan at Atty. Solfia Arboladura, presidente ng City College of Manila (CCM).
Pasisimulan ang paggamit ng nasabing technology sa mga ilaw sa kahabaan ng Roxas Boulevard na sakop ng Maynila.
Naging interesado si Lim nang sabihin sa kaniya ng mga opisyal ng Incheon Metropolitan City na malaki ang matitipid sa paggamit ng LED technology.
Ang LED technology rin ay ginagamit na rin ng iba pang bansa sa industriya, pagpapailaw ng mga lansangan at ang pinakahuli ay nagagamit na rin sa tahanan, appliances, displays, signs, mobile phones at maging sa automotive interiors at exteriors.
Kapag nagtagumpay sa Roxas Boulevard ang nasabing technology, papalitan din ang mga ilaw sa lahat ng kalye upang ang matitipid sa konsumo sa electric bill ay mapupunta na lamang sa iba pang prayoridad na programa ng lungsod tulad ng edukasyon at mga ospital.
- Latest
- Trending