MANILA, Philippines - Umaabot sa P.4 milyon cash ang nalimas ng mga miyembro ng Dugo-Dugo Gang sa kawani ng Phil. Stock Exchange sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon.
Dumulog sa himpilan ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City PNP District sa Camp Karingal ang biktimang si Adelaida Verandria, 54, biyuda, ng #23 Mayaman Street, UP Village sa Diliman.
Sa ulat ni SPO2 Antonio Galauran, lumilitaw na tumawag sa telepono ang isang di-kilalang lalaki kung saan nahikayat ang kasambahay ni Adelaida na kumuha ng malaking halaga dahil ang kanyang amo ay nasa ospital at kailangan ang pera.
Bukod sa lalaking caller ay pinakausap pa sa kasambahay ang isang babae na nagpakilalang kanyang among si Aling Adelaida kaya napaniwala agad ng grupo.
Kaagad naman kinuha ng kasambahay ang malaking halaga mula sa kabinet ng kanyang amo at dinala sa harapan ng East Avenue Medical Center kung saan iniabot ang pera sa hindi kilalang lalaki.
Pinagsabihan ang kasambahay na magpunta sa city hall dahil may susundo sa kanya para dalhin sa kanyang amo.
Subalit makalipas ang 35-minutong paghihintay ay walang dumarating na susundo kaya nagdesisyon ang kasambahay na umuwi kung saan tinawagan nito ang opisina ng amo.
Nasorpresa ang kasambahay nang sumagot ang amo na sinasabing nasa ospital.