MANILA, Philippines - Isang bagitong police na nakatalaga sa Manila Police District (MPD) ang iimbestigahan ngayon matapos umano itong masangkot sa kinarnap na sasakyan na natunton ng mga kagawad ng Caloocan City Police dahil sa nakakabit na Global Positioning System (GPS) sa nabanggit na lungsod kamakalawa. Nabatid sa Caloocan City Police, kanilang iimbestigahan si PO1 James Kierulf Gil, na nakatalaga sa MPD matapos mabawi ang isang kinarnap na Toyota Innova. Ayon sa record ng pulisya, noong Oktubre 12, 2011, nawala ang Innova (PNO-312) ni Vivian Bundang habang nakaparada sa MacArthur Highway, Apalit, Pampanga. Nagsumbong sa mga pulis si Bundang at dahil may nakakabit na GPS ay nalaman na nasa Maypajo, Caloocan City ang nabanggit na sasakyan. Agad na nakipag-ugnayan si Bundang sa Anti-Carnapping Unit ng Caloocan City Police at agad pinuntuhan ang Maypajo, subalit hindi pa rin nakita ang Innova. Dakong alas-4 kamakalawa ng hapon, muling gumana ang GPS at nasa Maypajo pa rin ito na naging dahilan upang muling puntuhan subalit nahuli ng dating ang mga pulis at hindi na inabutan ang Innova. Isang oras ang lumipas ay muling rumehistro sa GPS na nasa San Marcelino, Maynila ang Innova na pinuntuhan agad ng mga pulis hanggang sa makita ang sasakyan na nakaparada sa gilid ng kalsada. Sa pamamagitan na duplicate key ay nabuksan ang Innova hanggang sa makita sa loob ang isang .9mm na baril at PNP ID ni PO1 Gil. Nakatakda nang ipatawag si Gil upang sagutin kung bakit nasa Innova ang kanyang ID at inaalam na rin kung sa kanya ang nakuhang baril.