1 sa 3 dinukot sa Maynila, natunton sa ospital sa Samar
MANILA, Philippines - Natunton kahapon ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isa sa tatlong iniulat na dinukot sa Maynila kamakailan sa isang ospital sa Samar.
Ayon sa ulat, ang caretaker ng Pre School at ng ASL Bldg. na si Tony Austria, 65, na isa sa dinukot ay kasalukuyang naka-confine sa Catarman General Hospital sa Northern Samar at may mga tinamong sugat at si Reynalo Aguilar, 67, na may-ari ng Heidelberg Pre-School and Tutorial Center at ang batang si Jessie James Marcella, 10, Grade 4 pupil ng P. Gomez Elementary School ay hindi pa rin mabatid kung nasaan.
Ang sugatang si Austria ay sinasabing caretaker sa nasabing paaralang pag-aari ni Aguilar. Bagamat tukoy na umano ang mga suspect, hindi muna idinetalye ng pulisya ang tungkol dito upang hindi masunog ang ikinakasang operasyon. Nakipag-ugnayan na ang MPD sa N. Samar Provincial Police kaugnay nito.
Sa impormasyon, nasaksihan umano nina Austria at ng batang si Jessie ang posibleng pagpatay kay Aguilar kaya’t idinamay silang kidnapin, isinakay sa RORO dala umano ang get-away vehicle o ang kotse ng biktimang si Aguilar.
Nabatid na nakatakdang magtungo sa Indonesia ang biktimang si Aguilar at buong pamilya nito para sa kasal ng anak na babae.
Kahapon ay humingi na ng saklolo kay Manila Mayor Alfredo S. Lim ang isang Boy Marcella, ama ng nawawalang si James, para sa mabilis na pagtunton sa kaniyang nawawalang anak.
Pinag-aaralan pa kung may kinalaman sa negosyo ang motibo o may kinalaman sa pulitika dahil sa impormasyong bodyguard ng isang pulitiko ang nakitang nagtungo sa nasabing paaralan na kakilala ni Aguilar, Austria at ni Jessie bago naganap ang pagkawala ng tatlo.
- Latest
- Trending