MANILA, Philippines - Pormal na ipinagharap ng reklamo kahapon sa pulisya ang isang principal kaugnay sa pangmomolestiya sa isang 14-anyos na ‘special child’ sa loob ng paaralan sa Tondo, Maynila noong nakalipas na Biyernes at Lunes. Kasong Acts of Lasciviousness in relation to R.A. 7610 (Child Abuse) ang planong isampa sa Manila Prosecutors’ Office laban sa suspect na si Jomar de Callas, principal ng Holy Hearts Christian Academy na matatagpuan sa Juan Luna St., Tondo.
Sa ulat ni PO2 Clarissa dela Cruz, nagawang isuplong sa kanila ang insidente nang madiskubre ng ina ng biktimang itinago sa pangalang “Cherry”, 14-anyos, special child at 2nd year high school sa nasabing paaralan noong Lunes ang pangmomolestiya ng suspect sa biktima sa loob ng principal’s office.
Bukod pa rito, naikuwento rin ng biktima sa ina na noong Biyernes ay ganoon din ang ginawa sa kaniya ng suspect.
Nabatid sa ina ng biktima na ‘bestfriend’ ang tawagan ng kanyang anak at ng principal kaya naisipan niyang alamin sa anak kung anu-ano ang ginawa nila ng principal. Nagulat ang ina nang biglang maiyak ang biktima nang tanungin kaya lalong inusisa kung ano ang nangyari.
Sa puntong iyon ay ikinuwento ng biktima sa ina na ipinasok umano ng suspect sa ari niya ang daliri at niyakap-yakap umano siya noong Biyernes at Lunes. Sanay na rin umanong makisabay sa pananghalian ang biktima sa principal kaya ordinaryong makitang magkasama ang dalawa.