MANILA, Philippines - Patay ang isang 58 -anyos na negosyante makaraang barilin ng riding in tandem habang pasakay naman ang una sa kaniyang motorsiklo sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Hindi na naisalba ang buhay ng biktimang si Luis Ang, may-ari ng Louiemar Hardware bunga ng tinamong dalawang tama ng bala ng baril sa likurang bahagi ng kanyang ulo na dumiretso paibaba sa dibdib.
Mabilis namang tumakas ang mga suspect na sakay ng isang Kawasaki motorcycle matapos ang insidente.
Sa report ng pulisya, dakong alas- 8:30 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa harap ng hardware na tinitirhan din ng biktima at pamilya nito.
Kalalabas lamang ng bahay ng biktima at papasakay ito sa kanyang motorsiklo nang lapitan ng isa sa suspect at inasinta ito sa ulo habang nakatalikod.
Dalawang putok ang narinig hanggang sa bumulagta ang biktima.
Blangko pa ang pulisya sa motibo sa pagpatay at patuloy ang isinasagawang imbestigasyon.