MANILA, Philippines - Plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paglalagay ng “motorcycle lanes” sa kahabaan ng EDSA at C-5 Road.
Ito ang inihayag ni MMDA Chairman Francis Tolentino ngunit ito ay mangyayari lamang kung magiging epektibo ang motorcycle lanes sa Commonwealth at Macapagal Avenue.
Kung mangyayari umano ito, maaaring palipasin pa muna nila ang Disyembre dahil sa inaasahang magiging napakasikip ng daloy ng trapiko sa panahon ng Kapaskuhan.
Sa kasalukuyang pagtaya ng MMDA, umaabot sa 220,000 na iba’t ibang uri ng sasakyan ang tumatahak araw-araw sa kahabaan ng EDSA at ilang daan pa sa C-5 Road kaya’t nararapat lamang na maglagay din sila rito ng motorcycle lane upang mabawasan din ang nagaganap na aksidente.
Umaabot na sa higit 1,000 motorcycle riders ang nadadakip ng MMDA at pinasasailalim sa seminar sa motorcycle safety kung saan nadagdagan pa ito kahapon sa ikalawang araw ng implementasyon nito.
Pasisimulan lamang ng MMDA ang pag-iisyu ng traffic citation ticket sa mga lalabag sa motorcycle lane sa Oktubre 24 matapos ang isang linggong pagbibigay ng impormasyon.
Inulan naman ng reklamo ang MMDA sa mga nahuling nagmomotorsiklo dahil sa umano’y kakulangan ng impormasyon, kakulangan ng signages, lubak-lubak na kalsada na takaw semplang at pagtalaga sa lane na katabi ng mga bus sa Commonwealth Avenue na labis na mapanganib sa aksidente sa mga walang disiplinang bus drivers.
Samantala, nilagyan na ng MMDA ng asul na pintura ang kalsada sa 4th lane sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City para madaling makita na magsisilbing motorcycle lane.
Nagsisimula ito mula Philcoa hanggang sa pagkalagpas ng Tandang Sora bago sumapit sa tapat ng Sandiganbayan sa Commonwealth.
Sinabi naman ni Maximo Dilla, MMDA Supervisor ng Commonwealth Special traffic zone, pag-aaralan nila ang asul kung visible ba ito sa mga motorcycle driver kahit gabi.