Pulis nag-suicide matapos patayin ang ina

MANILA, Philippines - Isang dating pulis-Maynila ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili matapos na barilin at mapatay din nito ang kanyang ina kahapon ng tanghali sa Tondo, Maynila.

Kapwa dead-on-the-spot sina PO2 Walter Valdez, 36, dating nakatalaga sa Manila Police District (MPD)-Station 9 at ina nitong si Warlita, 65, ng Tondo, Maynila.

Sa report ni Det. Jupiter Tajonera ng MPD-Homicide section, dakong alas-12:10 ng tanghali nang maganap ang insidente sa labas ng bahay ng mag-ina sa kanto ng Mataimtim at Wagas Sts., Tondo, Maynila.

Bago ito, nabatid na la­sing si Walter nang dumating sa bahay kung saan pinagalitan at pinagtatadyakan nito ang kanyang 7-anyos na anak.

Nakita umano ni Warlita na noon ay naglalaba ang ginawa ni Walter sa apo kung kaya’t sinermunan nito ang pulis hanggang sa magkaroon ng mainitang patatalo.

Dito na kinuha ni Walter ang kanyang 9mm na baril at binaril sa ulo ang kanyang ina.

Tinangka rin umanong barilin ni Walter ang kanyang kapatid na si Lileth, 39, subalit nakatakbo ito at nakapagtago sa loob ng kanilang bahay hanggang sa nagbaril sa sentido si Walter.

Nabatid na nawala sa serbisyo si Walter dahil sa pagiging lasenggo at sakit sa atay.

Show comments