MANILA, Philippines - Pinagkalooban ng posthumous plaque of recognition ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa pangunguna ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang fire volunteer na inatake sa puso at nasawi habang patungo sa pagresponde sa sunog sa kasagsagan naman ng typhoon “Pedring”, kasunod ng ginawang pagsasalba sa mga pasyente ng Ospital ng Maynila, na pinasok ng malaking baha.
“May the late John Murphy Dantic Corre’s exemplary heroism and selflessness inspire us all,” pahayag ni Lim sa pagbibigay ng parangal sa naulilang maybahay ni John Corre, 32, na si Victoria Corre.
Isinabay ito sa regular na flag-raising ceremony sa Manila City Hall kahapon, kung saan dumalo rin si George Go Pen Siong, President Emeritus ng Association of Volunteer Fire Chiefs and Fire Fighters of the Philippines, Inc. (AVFCFFPI).
Sobrang pagod marahil sa paglilikas mula sa 1st floor patungong 2nd floor sa mga pasyente ng OSMA, nagawa pang sumama ni Corre sa responde sa sunog sa Quezon City dakong hapon ng Setyembre 28, kung saan naman inabot siya ng atake sa puso na hindi na naisalba.
Ipinahahanda na rin ni Lim sa kanyang chief of staff at media bureau chief Ric de Guzman ang ipagkakaloob na scholarships sa apat na anak na naiwan ni Corre.