MANILA, Philippines - Isang abandonadong Mitsubishi Estrada na kinarnap sa harap ng simbahan sa lungsod Caloocan nitong Linggo ng gabi, ang narekober naman sa Quezon City, kahapon ng hapon.
Ayon sa ulat ng Ani-Carnapping Unit ng Quezon City Police District, ang naturang sasakyan na may plakang RMA-707 ay pag-aari ng isang Reynaldo Estrella, 55, naninirahan sa Maligaya St., Caloocan City.
Sinabi ni Estrella, nawala ang naturang sasakyan sa harap ng Sto. Niño de Maligaya Church sa Caloocan ganap na alas-6:45 ng gabi.
Sinasabing nagsimba lamang ang pamilya ni Estrella sa naturang simbahan at paglabas nito ay wala na ang kanilang sasakyan.
Samantala, narekober ang nasabing sasakyan nang maispatan ito ni Elena Sermena, asawa ng namayapang si Redford White at kaibigan ng pamilya Estrella sa may Malakas St., habang nakaparada.
Agad na tinawagan ni Sermena ang pamilya Estrella at inireport ito sa awtoridad na ugat upang marekober ito.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) wala namang nawawalang gamit sa loob ng sasakyan.
Ang nasabing sasakyan ay agad na itinurn-over ng DACU sa pamilya Estrella, habang patuloy ang pagsisiyasat sa nasabing insidente.