MANILA, Philippines - Hinihintay ngayon ng pamunuan ng National Shrine of Our Lady of Perpetual Help o Baclaran Church ang aksyon ng Parañaque City Police at Southern Police District (SPD) makaraang maglabas ng memorandum ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na nag-uutos na resolbahin ang problema sa mga illegal vendors sa paligid ng naturang Simbahan.
Sinabi ni Fr. Victorino Cueto, rector ng Baclaran Church na hanggang ngayon ay wala pang konkretong aksyon na ginagawa ang pulisya sa naturang kautusan makaraang magpadala sila ng liham kay Secretary Jesse Robredo ukol sa kinakaharap nilang problema sa illegal vendors na tumataklob na sa bisinidad ng simbahan at sumisira sa kabanalan ng lugar.
Matatandaan na unang inireklamo ni Cueto kasama ang mga miyembro ng Association of Baclaran Redemptorists, Residents, Stall Owners, Stall Holders Inc. ang namamayaning sindikato umano ng iligal na vendors na nakikinabang ng daan-daang milyong koleksyon kada taon.
Nagpadala na ng liham sina Fr. Cueto sa DILG na tumugon sa pagpapalabas ng memorandum na hindi naman umano sinusunod ng lokal na pulisya.
Ipinarating na rin ito ng pamunuan ng Simbahan at ng asosasyon ng mga legal na vendors at building owners kay Pangulong Benigno Aquino III na nagpadala naman ng mga tauhan ng Presidential Management Staff (PMS) ngunit wala pang konkretong solusyon na inilalabas ang mga ito.
Sa reklamo nina Cueto, problema nila ang ipinalalabas na ordinansa ng pamahalaang lokal ng Parañaque na nagbibigay otorisasyon kada taon na isarado kada tatlong buwan sa pagsapit ng Kapasukhan ang Redemptorist Church at magtinda ang mga illegal vendors sa mga itatayong tents kapalit ng araw-araw na koleksyon.
Dahil dito, natatabunan na ng mga illegal vendors ang buong bisinidad ng Baclaran Church, namamatay ang mga legal na negosyo na nagbabayad ng buwis at amilyar habang hindi mapigilan ang pagtaas ng antas ng krimen sa Baclaran.