MANILA, Philippines - Bagama’t hindi pa uumpisahan ang paniniket at pagmumulta, haharap naman sa 15 minutong “on-the-spot safety seminar” ang mga motorcycle riders na mahuhuli ngayong Lunes na lalabag sa itinakdang “motorcycle lanes” ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Commonwealth at Diosdado Macapagal Avenue.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, na nasa “dry run” pa lamang ang implementasyon ng motorcycle lanes ngunit maaabala rin ang mga matitigas na ulong motorcycle riders na kanilang mahuhuli na bibigyan agad ng safety riding seminar at kakabitan ng “sticker” ang kanilang motorsiklo na tanda na sumailalim sila sa seminar.
Sa Oktubre 24 pa uumpisahan ang paniniket sa mga lalabag sa bagong panuntunan sa bansa kung saan pagmumultahin ang mga mahuhuli ng P150 kada paglabag.
Sinabi pa ni Tolentino na handa na ang MMDA sa implementasyon nito dahil sa naikabit na nila lahat ng mga “traffic at warning signs” sa Commonwealth Avenue sa Quezon City at sa President Diosdado Macapagal Avenue sa Pasay at Parañaque City kaya walang dahilan ang mga motorcycle riders para hindi sumunod sa batas trapiko.
Sa ilalim ng panuntunan, itinalaga ang ikaapat na lane ng Commonwealth Avenue at pinakakanan na lane naman ng Macapagal Avenue bilang mga motorcycle lanes kung saan tanging mga motorsiklo lamang ang daraan dito.
Kabilang naman sa mga motorcycle riders ang panuntunan na maaari ring daanan ng mga pribadong sasakyan ang mga motorcycle lanes maliban na lamang sa mga pampasaherong bus at iba pang malalaking behikulo.