Motorcycle lane, ipapatupad bukas
MANILA, Philippines - Sa pangunguna ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino, full force bukas ang mga kawani ng ahensiya sa unang araw ng implementasyon ng motorcycle lane rule sa bahagi ng Commonwealth Avenue sa Quezon City at Macapagal Avenue sa Pasay City.
Nabatid kay Tolentino, sa bahagi ng Commonwealth , siya mismo ang titingin sa magiging operasyon, habang si Undersecretary Alex Cabanilla naman ang mamamahala sa Macapagal Avenue. Wala na umanong makakaligtas sa mga lalabag sa ipapatupad na motorcycle lane rule dahil huhulihin na ang mga ito.
Naniniwala si Tolentino, sapat na ang kanilang ibinigay na impormasyon sa publiko ukol sa mahigpit nitong ipapatupad na motorcycle lane rule sa dalawang nabanggit na lugar. Multang limang daan piso ang ipapataw sa mga mahuhuling lalabag.
Layon pa rin ng paglalaan ng motorcycle lane ay ang mabigyan lunas ang problema sa trapiko at higit sa lahat ang kaligtasan ng mga motorista sa dalawang nabanggit na lugar partikular ang Commonwealth na tinaguriang “ killer highway” dahil sa maraming bilang ng mga aksidente dito.
- Latest
- Trending