MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot sa harap ng kanyang bahay ang isang technician makaraang pagbabarilin ng hindi nakikilalang salarin habang nagpapahangin sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa mukha at katawan ay kinilalang si Rufino Santos Jr., 30, ng Kaunlaran St., Brgy. Commonwealth sa lungsod .
Bukod dito, isang 16-anyos na dalagita na nakilalang si Mary Ann Bautista ang nasugatan din matapos na tamaan ng ligaw na bala sa kanang hita at binti.
Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa may harap ng bahay ng biktima pasado alas-11:00 ng gabi.
Sinabi ni Marissa, asawa ng nasawi na nagpaalam lamang umano sa kanya ang asawa na magpapahangin sa labas ng kanilang bahay at makalipas ng ilang minuto ay nakarinig na lang siya ng mga putok ng baril mula dito.
Agad na lumabas si Marissa kung saan bumulaga sa kanyang harapan ang walang buhay na duguang katawan ng asawa habang nakasubsob sa labas ng kanilang bahay.
Wala namang gustong magsalita sa mga residente kung sino ang may kagagawan ng naturang pamamaril.
Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabng insidente.