Black and white Friday sa PUP
MANILA, Philippines - Bilang pagluluksa, nagsagawa kahapon ng “Black and White Friday” ang Polytechnic University of the Philippine (PUP) bunga ng pagkapaslang sa Vice President for Administration nito na si Atty. Augustus Cesar.
Si Cezar ay tinambangan at pinagbabaril ng dalawang suspect na riding in tandem alas-10:30 ng gabi noong Miyerkules sa panulukan ng Pureza St. at Ramon Magsaysay Boulevard, Sta. Mesa, Maynila.
Hinikayat ng PUP management ang kanilang mga estudyante, guro, at mga empleyado na magsuot ng kulay itim o kaya ay puting damit para ipagluksa ang pagkamatay ni Cesar.
Ang puti ay simbolo umano ng katotohanan at bahagi na rin ng kanilang panawagan na makamit ni Cesar ang hustisya sa lalong madaling panahon.
Nakaburol ngayon ang labi ni Cesar sa Interfaith church ng PUP.
Samantala, patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng Task Force August, binuo ni Manila Police District director Chief Supt. Roberto Rongavilla.
Nalaman na iba’t ibang anggulo ang tinitingnan sa pagpaslang kay Cesar, kabilang na ang nagaganap na “administrative differences” sa unibersidad at personal na buhay.
- Latest
- Trending