MANILA, Philippines - Hindi na hadlang para sa mga preso sa Quezon City jail ang malayong distansiya ng kanilang mga mahal sa buhay para makausap at makita ang mga ito.
Ito ay makaraang ilunsad kahapon ng QC jail ang tinaguriang e-Dalaw system na naglalayong mapalapit ang mga preso sa kanilang mga mahal sa buhay o pamilya.
Ang e-Dalaw System ay pormal na inilunsad kahapon ng Quezon City Jail sa pamamagitan ng Bureau of Jail Management ang Penology (BJMP) sa pakikipag-tulungan ng Office of the Solicitor General.
“There are many stories that really moved us in bringing this project in partnership with the BJMP. We are happy that it is now being realized,” ayon kay Assistant Solicitor General Karl Miranda na siyang nakipag-coordinate para sa donasyon ng mga computers dito.
Sa kasalukuyan, mahigit sa 65,000 preso ang nasa pangangalaga ng BJMP, ilan sa mga ito ay mula sa liblib na probinsya sanhi para mahirapan ang mga pamilya ng mga ito na makadalaw.
Sa naturang proyekto, maaabot na ng mga preso ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng internet . Ang jail warden ang gagawa ng schedule ng araw at oras ng pakikipag-usap ng mga preso.
Sa implementasyon ng proyekto, priority ang mga preso na maysakit at matatanda na hindi nadadalaw ng kanyang kaanak.