MANILA, Philippines - Isang baby girl na pinaniniwalaang namatay habang isinisilang ang natagpuan sa loob ng inabandonang shoulder bag sa may Vitas, Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Nabatid sa report na dakong alas-8:15 ng umaga nang madiskubre ni Florides Lico , 64, biyuda, ng Road 10, Vitas, Tondo, Maynila ang isang shoulder bag na iniwan sa tapat ng isang mall sa naturang lugar. Inalam niya ang nasa loob at laking gulat nang bangkay ng sanggol ang laman.
Ipinabatid niya ito kay Chairman Bobby Gernale ng Brgy. 128 Zone 3, District 1 ang nadiskubreng sanggol. Nakalagak na sa Cruz Funeral Parlor ang labi ng sanggol.