MANILA, Philippines - Pumalag na ang pamunuan ng simbahan ng Baclaran o “Our Lady of Perpetual Help” sa sindikato ng iligal na mga vendors sa kanilang paligid kung saan ibinulgar ng mga pari ang daan-milyong koleksyon kada taon na nakukuha sa mga ito ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Sa pulong balitaan na ipinatawag ni Fr. Ino Cueto, rector ng Shrine of Our Lady of Perpetual Help at pamunuan ng Association of Baclaran Redemptorists Residents, Stall Owners, Stall Holders Inc. na panahon na upang matigil umano ang ginagawang pambababoy ng lokal at nasyunal na pamahalaan sa kanilang simbahan sa malayang pagpapapuwesto sa mga iligal na vendors sa mga bangketa at kalsada partikular sa Redemptorists Road sa Baclaran.
Partikular na kinuwestiyon ni Fr. Cueto ang ipinalabas na ordinansa ng pamahalaang lungsod ng Parañaque noong 2003 na hinahayaan na isarado ang mga kalsada sa tapat ng simbahan ng Baclaran upang payagan ang mga vendors na makapuwesto tuwing Setyembre hanggang Enero ng bawat taon.
Nakatakdang magpasa muli ng ordinansa ang Konseho ng Parañaque sa pangunguna ni Councilor Jason Webb na pinapayagang magtayo ng mga tents sa buong Redemtorists Road at mga karatig na kalsada mula Oktubre hanggang Enero kung saan isasarado ang buong kalsada sa mga motorista at malayang makapagtitinda ang mga iligal na vendors na hindi nagbabayad ng tamang buwis sa pamahalaan.
Idiniin pa ni Fr. Cueto na napakalaking pera umano na aabot sa daang milyon kada taon ang nakokolekta ng sindikato sa mga iligal vendors sa bisinidad ng kanilang simbahan kaya hindi ito masugpo-sugpo ng lokal na pamahalaan, Southern Police District at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).