MANILA, Philippines - Inaresto ng mga elemento ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang isang pulis na itinuturong lider ng isang notoryus na carjacking/hijacking gang sa isinagawang operasyon sa Caloocan City nitong Lunes ng hapon.
Kinilala ni PNP-HPG Spokesman Sr. Supt. Edwin Butacan ang nasakoteng suspect na si PO3 Armiel Arceo, ng Caloocan City at nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Si Arceo ay itinuturong lider ng ‘Singasa group’ kung saan patuloy pa ring pinaghahanap ang kasamahan nito kabilang ang isa ring tiwaling parak.
Bandang alas-5 ng hapon nang masakote ng mga elemento ng Task Force Limbas at Anti-Carnapping (ANCAR) Caloocan City ang suspect malapit sa kanyang tinitirahan sa Libis Gutuico St., Dagat-Dagatan, Caloocan City sa bisa ng warrant of arrest sa kasong paglabag sa Republic Act 6539 o anti-carnapping act na inisyu ni Judge Roland Mislang. Naglaan naman ang korte ng P300,000 piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng scalawags na parak.
Sa imbestigasyon ng PNP-HPG, tatlong taon nang nag-ooperate ang grupo ng pulis hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa Region III at Region IV sa talamak na operasyon ng carjacking at hijacking.
Nabatid na ang modus operandi nina Arceo ay mag-flag down ng mga bibiktimahin habang lulan ng motorsiklo na nakasuot pa ng uniporme at paghinto ng sasakyan ay saka lalabas ang mga nagtatago nitong kasamahan sa sindikato.