Biggest looser winner gagawing modelo ng PNP sa pagpapapayat
MANILA, Philippines - Gagawing modelo ng Philippine National Police (PNP) ang grand winner sa ‘Biggest Looser Pinoy Edition’ ng ABS-CBN na si Larry Sienno Martin para makapagpapayat ang mga ‘overweight ‘ o matatabang pulis lalo na ang mga tinaguriang may ‘beer belly’.
Ayon kay PNP Chief Director General Nicanor Bartolome, nakikipag-ugnayan na ang PNP kay Martin na isa palang dating pulis na kusang nag-resign matapos itong mabigong makatugon sa 34 inch waist line na ipinatupad sa ilalim ni dating PNP Chief at ngayo’y Senador Panfilo Lacson.
Si Larry, 36, taga Camarines Sur at dating pulis ay lumahok sa ‘Biggest Looser Pinoy Edition’ sa hangaring maibalik ang respeto at tiwala sa sarili, gayundin para makabalik sa serbisyo sa PNP.
Sinabi ni Bartolome na may nakatakda na silang pakikipagkita kay Martin para mahingan ng tulong ang dating 255 pound biggest looser winner sa pagbabawas ng tiyan at timbang ng mga ‘overweight ‘ na pulis.Tumitimbang na lang siya ngayon ng 155 pounds.
- Latest
- Trending