MANILA, Philippines - Patay ang isang guwardya at sugatan naman ang kasama nitong lady guard matapos mahagip ng isang pampasaherong bus habang magkaangkas sa bisikleta kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Nakilala ang nasawi na si Benedict de Mesa, 25, nakatira sa 11th Avenue ng nabanggit na siyudad ay dead on arrival sa Dr. Diosdado Macapagal Memorial Medical Center.
Nilalapatan naman ng lunas sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang kasama nitong si Margie Brinzuela, 21, ng nagtamo ng mga sugat, galos at pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan matapos itong tumilapon. Nasa custody naman ng Caloocan City Police Traffic Enforcement Unit ang driver na si Teodulfo Ceniza Jr., 41, ng Brgy. Pulong Buhangin, Santa Maria, Bulacan at nahaharap ito sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at physical injury.
Sa pagsisiyasat, naganap ang insidente dakong alas-5:15 ng umaga sa Intersection ng 10th Avenue at B. Serrano St., Caloocan City. Nabatid na minamaneho ni Ceniza ang isang pampasaherong bus na pag-aari ng kompanyang Jonna Jesh Transport Corporation (TYF-815) na may biyahe na Taguig City-Navotas at hindi mamalayan ang pagsulpot ng isang mountain bike na dito nakasakay ang mga biktima. Huli na bago nakontrol ni Ceniza ang preno dahil nahagip na nito ang magkaangkas na sina De Mesa at Brinzuela.