MANILA, Philippines - Nakahinga ng maluwag si Navotas Mayor John Reynald Tiangco matapos na kumpirmahin ng City Health Office na walang nasawi sa pananalasa ng bagyong Pedring.
Ayon kay Tiangco, naging matagumpay ang rescue operation dahil na rin sa walang tigil na pagtupad sa tungkulin ng mga miyembro ng Navotas Joint Rescue Team gayundin ang mga volunteers mula sa national government units na kinabibilangan ng Philippine Navy, Philippine Air Force at Coast Guard kung saan tiniyak na ligtas ang mga residente sa lugar habang nananalasa ang naturang bagyo.
Aniya, nakakapanlumo umano na makitang maraming mga private at public properties ang nasalanta ng bagyo subalit nanatili ang katapangan ng rescue team upang suungin ang mala-tsunami na alon upang mailigtas ang mga residente.
Maging ang ilang mga pampublikong pasilidad kabilang na ang river walls, pumping stations at wooden pathways ay nasira din ng bagyo.
Dahil dito inatasan ni Tiangco ang City Engineering Office na agad na kumpunihin ang mga nasirang pasilidad partikular na ang mga pangunahing kailangan sa mga pampublikong paaralan upang maging normal ang pamumuhay ng mga taga Navoatas.