17-anyos lalaki tinodas habang naglalaro ng video game
MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang mapatay ang isang 17-anyos na binatilyo ng hindi pa nakikilalang suspect habang ang biktima ay naglalaro sa loob ng isang video game shop sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Nasawi noon din ang biktimang si Edgar Labastida, tubong-Bulacan at residente ng Miramonte Park West, Barangay 180, ng nasabing lungsod at nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Pinaghahanap naman ng pulisya at inaalam pa nila ang pagkakakilanlan sa suspect.
Sa inisyal na report ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-7:45 ng gabi sa loob ng Cristito Nobelo’s Residence ng nasabing barangay.
Nabatid sa saksing si Rommel Sabangan, 27, kasalukuyan siyang nasa loob ng video shop at naglalaro kasama ang biktima nang bigla na lamang pumasok ang suspect na armado ng baril.
Walang sabi-sabing pinagbabaril ng suspect ang biktima na naging dahilan ng agarang kamatayan nito.
Ang suspect naman ay mabilis na tumakas at patuloy na iniimbestigahan ang nasabing insidente.
- Latest
- Trending