MANILA, Philippines - Patay ang isang 23- anyos na lalake makaraang mabaril ng isang security guard matapos na magtalo sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang nasawi na si Ermar de Leon, helper ng Loco Hills, Brgy. Banlat sa lungsod.
Tinutugis naman ang suspect na si Rolando Artap, sekyu ng Mustang Security Agency na mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Nangyari ang insidente sa may Leg compound Fairview St., Brgy. Payatas ganap na ala-1 ng madaling-araw.
Bago ito, nasa loob umano ng compound ang suspect at kinukuha ang kanyang uniporme sa may nakaparadang garbage truck nang makita nito ang biktima.
Dito ay binawalan umano ng suspect ang biktima dahil baka madisgrasya ito, pero pumalag ang huli sanhi upang mauwi ito sa mainitang pagtatalo. Habang nagtatalo ay sinuntok umano ng suspect ang biktima, dahilan para tangkain naman ng huli na agawin ang nakasukbit na baril nito at mauwi sa pagpapambuno.
Subalit, dahil malakas, nagawang maagaw ng suspect ang baril mula sa biktima at binaril ito sa kaliwang bewang saka tumakas. Agad namang itinakbo ang biktima sa East Avenue Medical Center, ngunit idineklara din itong patay.