Bahay inararo ng truck: 5 sugatan
MANILA, Philippines - Lima katao ang sugatan, kabilang ang dalawang batang babae, habang anim na kabahayan at tatlong sasakyan ang nawasak makaraang suyurin ng rumaragasang 10 -wheeler truck sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat ng Traffic Sector 5 ng QCPD, nakilala ang mga sugatan biktima na sina Maria Jolina Delaran, 13; Maria Sonia Dadula, 46, at anak na si Jovy Dadula, 11; Norberto Estrerra, 57; at Ronel Sifi, 43; pawang mga residente sa Brgy. Batasan sa lungsod. Ang batang si Delaran umano ang nasa seryosong kalagayan dahil sa pangambang maputulan ng kanang paa.
Hawak naman ng awtoridad ang driver ng 10 wheeler truck na si Lanny Boy Anahao, 33, ng Isidora St., Brgy. Holy Spirit sa lungsod.
Nangyari ang insidente sa may San Mateo Road, Brgy. Batasan Hills, sa lungsod ganap na alas -6 ng umaga.
Sinasabing minamaneho ni Anahao ang isang 10- wheeler truck (CED-299) na may kargang 10 toneladang veneer na sangkap sa paggawa ng plywood sa naturang lugar nang biglang mawalan ito ng kontrol sa manibela.
Doon dire-diretsong sinuyod ng truck ang mga kabahayan sa naturang lugar, kung saan naroon ang mga biktima, bago tuluyang huminto saka tumagilid at tumapon ang mga karga nitong laman.
Sinasabing ang mag-inang Dadula ay sakay ng minamanehong tricycle ni Estrerra nang mahagip ito ng naturang truck, habang ang iba pang biktima ay nakatayo naman sa gilid ng naturang kabahayan.
Ayon sa pulisya, ang matinding nawasak na bahay ay pag-aari ng isang Jimenez Bagao, kabilang ang dalawang Tamaraw FX. Hinala ng awtoridad na overload ang truck kung kaya nangyari ang aksidente.
- Latest
- Trending