Kawani ng UP hinoldap, ginahasa saka pinatay
MANILA, Philippines - Isang dalagang kawani ng UP Diliman ang hinoldap, ginahasa saka pinatay sa sakal ng dalawang holdaper kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Kinilala ang nasawing biktima na si Jee-Ann de Guzman, 26, kawani ng University Hotel, UP Diliman, Marketing Department at residente ng Brgy. 178 Camarin ng nasabing lungsod.
Nagsasagawa ng malawakang manhunt operation ang mga kagawad ng Caloocan City Police laban sa dalawang suspek na ang isa ay kinilalang si Erik Macaraan, ng Phase-6, Brgy. 178, Camarin ng nabanggit na lungsod.
Ayon kay SPO1 Noli Albis, dakong alas-8:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng nasabing barangay sa boundary ng Jasmin St., Capitol Park, 179 Caloocan City.
Ayon sa ulat ng pulisya, nabatid na unang hinoldap ng mga suspek si Jerry Manioto, 20, binata, 3D measuring technician ng Petchayan, Camarin ng nasabing lungsod.
Nabatid na itinali muna, binusalan ang bunganga at dinala sa nasabing lugar saka tinangay ang mga mahahalagang gamit ni Manioto at sandaling umalis ang mga suspect.
Makalipas ang ilang minuto ay bumalik ang mga suspect at dala na nila si De Guzman na itinali rin sa tabi ni Manioto at binusalan ang bunganga.
Hindi pa nakuntento ang mga suspek at hinubaran ang dalaga saka ginahasa subalit, nanlaban ang biktima kaya’t sinakal ito ng mga holdaper kung saan natigil lamang ang ginagawa ng mga ito nang may dumaang tao na nakarinig sa ungol ni De Guzman.
Dahil dito, mabilis na tumakas ang mga suspek habang nagawa nama ng makalag ni Manioto ang kanyang tali at agad itong humingi ng tulong sa mga pulis.
Nang balikan si De Guzman ay wala na itong buhay, kung saan lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya na namatay sa sakal ang biktima.
Patuloy na nagsasagawa ng follow-up ang mga pulis sa mga suspek.
- Latest
- Trending