MANILA, Philippines - Binoga sa mukha ang isang 18-anyos na estudyante na pinaniniwalaang natiyempuhan ng dating kaalitan sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi. Dead-on-arrival sa Chinese General Hospital ang biktimang si Manuel Bon Brosco ng Sevilla st. 3rd Avenue, Caloocan City na nagtamo ng isang bala sa mukha at lumagos sa likod ng ulo. Wala pang impormasyon sa pagkakakilanlan sa suspect. Dakong alas-9:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa panulukan ng R. Avenue at R. Papa St., sa Sta. Cruz, Maynila. Nagmamaneho umano ng motorsiklo ang biktima nang biglang nakarinig ng putok ng baril ang mga tambay kung saan nakita ang biktima na bumulagta sa kalsada. Teorya ng pulisya posibleng inabangan ng suspect ang pagdaan ng biktima. Maaaring may kaalitan umano ito. Patuloy pang iniimbestigahan ang nasabing krimen.