Magkakaanak inararo ng jeep: 1 patay, 3 sugatan
MANILA, Philippines - Isang mister ang nasawi at tatlo pang kaanak nito ang nasugatan matapos masagasaan ng isang humaharurot na jeep sa Caloocan City kamakalawa.
Namatay sa Far Eastern University Hospital ang biktimang si Leonito Bongcales, 48, sanhi ng tinamong matinding pinsala sa katawan at ulo. Ginagamot naman sa Jose N. Rodriguez Hospital ang mga kaanak nitong sina Criselda Bongcales, 46; Leonicel Bongcales, 25; at Elmida Capule, 22, pawang mga residente ng Bahay Toro, Project 8, Quezon City. Sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Isabelo Mangubat, 65, na sinampahan na ng kasong reckless imprudence resulting to homicide.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-2:00 ng hapon sa tapat ng Cifel Subdivision at Taruc Dental Clinic, Brgy. 184, Caloocan City.
Papatawid ang mga biktima sa nabanggit na lugar nang banggain ng humaharurot na isang Toyota Jeep (NLN-875) na minamaneho ng suspek na si Mangubat. Huli na bago nakontrol ng suspek ang kanyang sasakyan at nawalan ito ng preno hanggang sa mahagip ang mga biktima at bumangga sa isang nakaparadang jeep (CTK-565).
Ang matandang Bongcales ang unang nahagip sa unahan ng sasakyan ng suspek at sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ito at tumama sa poste habang ang tatlo pang biktima ay tumilapon naman sa kalsada.
- Latest
- Trending