MANILA, Philippines - Napaaga ang salubong ni kamatayan sa isang negosyanteng lalaki matapos barilin ng holdaper sa loob ng pag-aaring panaderya kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Idineklarang patay sa Jose Rodriguez Hospital dahil sa tama ng bala sa dibdib si Allan Caballero, 35, ng Barangay Bagumbong sa nasabing lungsod.
Base sa police report, naganap ang pamamaril dakong alas-6:30 ng gabi matapos pasukin ng holdaper ang FC Pacheco Bakery and General Merchandise.
Pilit na kinukuha ng holdaper ang beltbag ng biktima na naglalaman ng P50,000 subalit nanlaban ito kaya napilitang barilin. Nangangalap ng impormasyon ang pulisya para makilala ang holdaper na sinasabing malimit na umaaligid sa panaderya ng biktima.