MANILA, Philippines - Isang Kenyan national ang inaresto ng tropa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos na makuhanan ng tatlong kilo ng shabu sa Mactan International Airport sa Cebu, Lapu-Lapu City, iniulat kahapon.
Ayon sa ulat ng PDEA, ang pagkakadakip sa suspect ay bunga ng kooperasyon ng tropa ng National Bureau of Investigation (NBI), at Bureau of Customs (BOC), ilang oras matapos ang memorandum of agreement (MOA) na nilagdaan para bantayan ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Metro Manila at iba pang lalawigan.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Jose S. Gutierrez Jr. ang Kenyan national na si Asha Atieno Ogotu, 25, hinihinalang miyembro ng West African Drug Syndicates (WADS). Siya ay dumating sa bansa sakay ng Qatar Airways flight QR656 mula Doha, Qatar.
Si Ogotu ay nadakip sa pamamagitan ng mga drug sniffing dog na nakatukoy mula sa kanyang bagahe ang pinaglalagyan nito ng droga, matapos lumapag sa Mactan Airport, ganap na alas-5 ng hapon.
Nakapiit ngayon ang suspect sa NBI office sa Taft Ave., Manila habang inihahanda ang kasong importation of dangerous drugs (Section 4, Article II, Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).