MANILA, Philippines - Isang mayamang negosyanteng Korean national ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng riding-in tandem habang ang biktima ay sakay ng kanyang Ford Expedition sa San Juan City, kahapon ng umaga.
Kinilala ni Sr/Supt. Rainier Espina, hepe ng San Juan City Police ang biktima na si Hyung Hur, 59, naninirahan sa D-LPL Condominium, Eisenhower St., Brgy. Greenhills, ng nasabing lungsod.
Ayon sa driver ng biktima na si Mark Anthony Casyuran, 30, minamaneho niya ang kulay itim na Ford Expedition na (HUR-33) at patungo sila sa UCC coffee shop nang maganap ang krimen.
Sa imbestigasyon, nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-8:20 ng umaga habang tinatahak ng Ford Expedition ang Connecticut St., sa kanto ng Ortigas Avenue nang biglang sabayan umano ng mga suspek sakay ng isang kulay pulang Honda XRM na walang plaka.
Sinasabing nakasakay ang biktima sa unahan sa kanang bahagi ng sasakyan nang pagbabarilin ito ng mga suspek.
Nagtamo ng dalawang tama ng bala mula sa kalibre .45 baril sa kanang bahagi ng kanyang ulo ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Masuwerte namang hindi tinamaan ng bala ang driver na si Casayuran na nagtamo lamang ng mga sugat sa kanyang braso mula sa bubog ng mga nabasag na salamin na tumalsik sa kanya.
Sa ngayon ay nagsasagawa ng malalimang pagsisiyasat ang pulisya para matukoy ang mga salarin at mabatid ang motibo ng krimen.
Kabilang sa anggulo na tinututukan ngayon ng pulisya ay ‘business rivalry’ dahil sa pagiging involved ng biktima sa mining industry sa bansa.