MANILA, Philippines - Nananatili pa sa mga evacuation center ang may 1,000 residente sa tatlong barangay sa lungsod Quezon matapos ang pananalasa ng bagyong Pedring sa kanilang mga tahanan, kahapon.
Ayon sa ulat, ang mga pamilya ay mga residente sa Bagong Silangan, Batasan, at Payatas na inilikas sa kani-kanilang mga tahanan bunga ng pagtaas ng tubig-baha.
May 311 katao pa ang nanatili sa Bagong Silangan Elementary School, habang 187 katao naman sa Bagong Silangan covered court. Nasa 91 katao pa rin ang nananatili sa evacuation center sa San Isidro Labrador Church, 60 sa Sitio Bakal sa nasabi ring barangay.
Habang sa mga evacuation center sa Brgy. Payatas ay nagkakanlong pa rin ang may 60 katao sa Sulyap housing. Mayroon din sa Bagong Silangan High School, Susano hall at sa Sitio Veterans.
Ayon sa pulisya, patuloy ang monitoring na kanilang ginagawa sa naturang mga lugar habang hinihintay ang pagbaba ng tubig-baha sa mga ito para mapanumbalik na sa normal ang kabuhayan ng mga naapektuhang residente.