MANILA, Philippines - Sinimulan agad kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paglilinis sa kalakhang Maynila partikular sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa lungsod ng Maynila at Pasay na lubhang naapektuhan ng bagyong Pedring na nag-iwan ng tone-toneladang basura buhat sa dagat.
Dakong alas-4 pa lang ng umaga nang umpisahan ng mga tauhan ng MMDA Sidewalk Clearing Operations team ang paglilinis sa Roxas Boulevard kung saan naiwan sa kalsada ang sari-saring mga basura tulad ng mga kawayan at sanga ng mga puno. Nagmula ang mga kawayan sa mga nawasak na fishpen sa Cavite.
Dahil sa dami ng basura na nagkalat, gumamit pa ang MMDA ng mga heavy equipments upang mahakot ang mga basura buhat sa kalsada at sa baybayin ng Manila Bay.
Binisita ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang ginagawang clean-up operations kung saan sinabing maaaring tumagal ang paglilinis ng ilang araw pa.
Matatandaan na nagmistulang karugtong ng Manila Bay ang ilang bahagi ng lungsod ng Maynila at Pasay matapos na mawasak ang ilang bahagi ng seawall sa Roxas Blvd. kung saan umapaw ang tubig sa dagat. Isa rin sa malubhang naapektuhan ng pagbabaha ang 5-star hotel na Sofitel Hotel na napuwersang ilikas sa kasagsagan ng bagyo ang kanilang mga guests.